Josue 22:10-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Pagdating nila sa Gelilot, malapit sa Ilog ng Jordan, nagpatayo ang mga lahi nina Reuben, Gad at ang kalahating lahi ni Manase ng malaking altar. Ang lugar na ito ay sakop pa rin ng Canaan.

11-12. At nabalitaan ng ibang mga Israelita na nagpatayo ang lahi nina Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase ng altar sa hangganan ng Canaan sa Gelilot, malapit sa Ilog ng Jordan. Kaya nagtipon sila sa Shilo para makipaglaban sa kanila.

13. Inutusan ng mga Israelita si Finehas, na anak ng paring si Eleazar na pumunta sa lahi nina Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase.

14. May kasama siyang sampung pinuno mula sa bawat lahi ng Israel. Bawat isa sa kanilaʼy mga pinuno ng mga sambahayan ng lahi nila.

15. Pagdating nila sa Gilead, sinabi nila sa lahi nina Reuben, Gad at sa kalahating lahi ni Manase,

16. “Gustong malaman ng buong mamamayan ng Panginoon kung bakit kayo tumalikod sa Dios ng Israel. Nagrebelde kayo sa Panginoon sa pagpapatayo nʼyo ng altar para sa sarili ninyo. Hindi kayo sumusunod sa kanya.

17. Nakalimutan nʼyo na ba ang kasalanan natin doon sa Peor? Dahil doon, pinadalhan tayo ng Panginoon ng salot at hanggang ngayon ay nagtitiis pa tayo. Hindi pa ba tayo natuto sa kamaliang iyon?

18. At ngayon, nagtangka pa kayong tumalikod sa Panginoon! Kung magrerebelde pa kayo sa kanya sa araw na ito, bukas ay magagalit siya sa buong bayan ng Israel.

19. Kaya kung ang lupain nʼyo ay hindi karapat-dapat na pagsambahan, tumawid kayo rito sa amin, sa lupain ng Panginoon kung saan naroon ang Tolda na pinagsasambahan sa kanya, at doon na kayo tumira. Pero huwag lang kayong magtatayo ng ibang altar maliban sa altar ng Panginoon na ating Dios, dahil iyan ay isang pagrerebelde sa kanya at sa amin.

20. Nakalimutan nʼyo na ba si Acan na anak ni Zera? Nang nilabag niya ang utos tungkol sa mga bagay na nakalaang ihandog ng buo sa Panginoon, pinarusahan siya at ang buong mamamayan ng Israel. Hindi lang siya ang namatay dahil sa kasalanan niya.”

21. Sumagot ang mga lahi nina Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase sa mga pinuno,

22. “Ang Panginoon po ay ang Makapangyarihang Dios! Ang Panginoon po ay ang Makapangyarihang Dios! Nalalaman po niya kung bakit namin ito ginawa, at dapat din ninyong malaman. Kung nagrebelde kami o kayaʼy lumabag sa Panginoon, patayin nʼyo kami sa araw na ito.

23. Kung nilabag namin ang Panginoon dahil sa pagpapatayo namin ng sariling altar para alayan namin ng mga handog na sinusunog, handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, o kayaʼy handog para sa mabuting relasyon, ang Panginoon sana ang magparusa sa amin.

Josue 22