15. Si Rahab ay nakatira sa bahay na nasa pader ng lungsod, kaya tinulungan niya ang dalawang espiya na makababa sa bintana gamit ang lubid.
16. Sinabi ni Rahab sa kanila, “Pumunta kayo sa kabundukan para hindi kayo makita ng mga humahabol sa inyo. Magtago kayo roon sa loob ng tatlong araw hanggang makabalik sila rito. Pagkatapos, maaari na kayong umuwi.”
17. Sinabi ng dalawang espiya kay Rahab, “Tutuparin namin ang ipinangako namin sa iyo,
18. pero kailangang gawin mo rin ito: Kapag nilusob na namin ang lupain nʼyo, itali mo ang pulang lubid na ito sa bintanang binabaan namin. Tipunin mo sa bahay mo ang mga magulang mo, mga kapatid mo at ang buo nilang sambahayan.
19. Kung may isang lalabas at pupunta sa daan, hindi na namin pananagutan kapag namatay siya. Pero may pananagutan kami kapag may namatay sa loob ng bahay mo.
20. Pero kung ipagsasabi mo ang mga ginagawa namin, hindi namin tutuparin ang ipinangako namin sa iyo.”
21. Sumagot si Rahab, “Oo, payag ako.” Pagkatapos, pinaalis sila ni Rahab, at itinali niya agad ang pulang lubid sa bintana.
22. Nang makaalis na ang dalawang espiya, pumunta sila sa kabundukan. Doon sila nagtago sa loob ng tatlong araw habang hinahanap sila ng mga tauhan ng hari sa mga daanan. Hindi sila nakita, kaya umuwi na lang ang mga tauhan ng hari.
23. Bumaba ng kabundukan ang dalawang espiya, at tumawid sa ilog at bumalik kay Josue. Ikinuwento nila kay Josue ang lahat ng nangyari.
24. Sinabi nila, “Totoong ibinibigay ng Panginoon ang buong lupain sa atin. Ang mga tao roon ay takot na takot sa atin.”