Josue 18:9-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

9. Kaya lumakad ang mga tao para suriin ang buong lupain. Pagkatapos, ginawan nila ito ng mapa, na ang lupaʼy nahati sa pitong bahagi, at inilista nila ang mga bayan at baryo na sakop ng bawat bahagi. Pagkatapos, bumalik sila kay Josue sa Shilo.

10. At pagkatapos magpalabunutan sa presensya ng Panginoon, binigyan ni Josue ng bahagi ang mga lahi ng Israel na walang lupain.

11. Ang unang bahagi ng lupain ay napunta sa lahi ni Benjamin. Nasa pagitan ito ng mga lupaing ibinigay noon sa lahi ni Juda at sa mga lahi ni Jose.

12. Ang hangganan nito sa hilaga ay nagsisimula sa Ilog ng Jordan papunta sa hilagang libis ng Jerico. Pagkatapos, paahon ito sa kanluran sa mga kabundukan hanggang sa disyerto ng Bet Aven.

13. Mula roon, papunta ito sa libis na nasa bandang timog ng Luz (na siyang Betel). Pagkatapos, pababa ito sa Atarot Adar, sa bundok sa timog ng Mababang Bet Horon.

14. Mula roon, papunta ito sa kanluran ng bundok na nakaharap sa Bet Horon at papunta sa timog. Nagtapos ito sa Kiriat Baal (na siyang Kiriat Jearim), isang bayan ng lahi ni Juda. Ito ang hangganan sa kanluran.

15. Ang hangganan sa timog ay magmumula sa hangganan ng Kiriat Jearim. Mula roon, papunta ito sa kanluran sa mga bukal ng Neftoa.

16. Pababa ito sa paanan ng bundok na nakaharap sa Lambak ng Ben Hinom. Ang lambak na ito ay nasa hilaga ng Lambak ng Refaim. Mula roon, papunta ito sa Lambak ng Hinom, sa timog na ng lungsod ng mga Jebuseo, pababa sa En Rogel.

17. Paliko agad ito pahilaga papuntang En Shemesh, hanggang sa Gelilot na nakaharap sa Daang Paahon ng Adumim. Pagkatapos, pababa ito sa Bato ni Bohan na anak ni Reuben

18. at dumaraan sa hilagang libis na nakaharap sa Lambak ng Jordan pababa sa Lambak mismo.

19. Pagkatapos, papunta ito sa hilagang libis ng Bet Hogla, at nagtapos ito sa hilagang daanan ng tubig ng Dagat na Patay, na siyang hangganan ng Ilog ng Jordan sa timog. Ito ang hangganan sa timog.

20. Ang Ilog ng Jordan ay ang hangganan sa silangan.Iyon ang mga hangganan ng lupaing natanggap ng lahi ni Benjamin ayon sa bawat sambahayan.

21. Ito ang mga lungsod na ibinigay sa lahi ni Benjamin na hinati ayon sa bawat sambahayan:Jerico, Bet Hogla, Emek Keziz,

22. Bet Araba, Zemaraim, Betel,

23. Avim, Para, Ofra,

Josue 18