Josue 17:1-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. May ibinigay din na mga lupain para sa kalahating lahi ni Manase, na panganay na anak ni Jose. Ang Gilead at ang Bashan sa silangan ng Ilog ng Jordan ay ibinigay kay Makir dahil mabuti siyang sundalo. (Si Makir ang panganay ni Manase at ang ama ni Gilead.)

2. Ang lupain sa kanluran ng Jordan ay ibinigay sa ibang mga lahi ni Manase: ang mga sambahayan nina Abiezer, Helek, Asriel, Shekem, Hefer at Shemida. Sila ang mga lalaking anak ni Manase, at mga pinuno ng kani-kanilang angkan.

3. Ngayon, may isang tao na ang pangalan ay si Zelofehad. Anak siya ni Hefer at apo ni Gilead. Si Gilead ay anak ni Makir, at si Makir ay anak ni Manase. Si Zelofehad ay walang anak na lalaki kundi mga babae lang. Silaʼy sina Mahlah, Noe, Hogla, Milka at Tirza.

4. Pumunta sila kina Eleazar na pari, Josue na anak ni Nun at sa mga pinuno, at sinabi, “Nag-utos po ang Panginoon kay Moises na bigyan kami ng lupain gaya po ng mga kamag-anak naming lalaki.” Kaya binigyan sila ng bahagi nila ayon sa iniutos ng Panginoon.

5. Ito ang dahilan kung bakit ang lahi ni Manase ay nakatanggap ng sampung bahagi ng lupain, hindi kasama ang Gilead at Bashan sa silangan ng Jordan,

6. dahil binigyan din ng bahagi ang mga kalahing babae kagaya ng mga kalahi niyang lalaki. Ang Gilead ay ibinigay sa iba pang lahi ni Manase.

7. Ang hangganan ng lupain ng lahi ni Manase ay nagmula sa Asher hanggang sa Micmetat, sa silangan ng Shekem papuntang timog sa lupain ng mga nakatira malapit sa bukal ng Tapua.

8. (Ang mga lupain sa paligid ng Tapua ay pagmamay-ari ng lahi ni Manase, pero ang Tapua, na nasa hangganan ng lupain ni Manase ay pagmamay-ari ng lahi ni Efraim.)

9. Tumuloy ito sa hangganan na papunta sa Lambak ng Kana. Sa timog ng lambak na ito ay may mga bayan na pagmamay-ari ng lahi ni Efraim, kahit na kasama ito sa mga bayan ng lahi ni Manase. Ang hangganan ng lahi ni Manase ay patuloy sa hilaga ng lambak hanggang sa Dagat ng Mediteraneo.

10. Ang lupain sa timog ng ilog ay pagmamay-ari ng lahi ni Efraim at ang lupain sa hilaga ng ilog ay pagmamay-ari ng lahi ni Manase. Ang hangganan ng lupain ng lahi ni Manase sa kanluran ay ang Dagat ng Mediteraneo. Ang nasa hilaga ng lahi ni Manase ay ng lahi ni Asher, at ang nasa silangan ay ng lahi ni Isacar.

11. Ito ang mga bayan sa lupain ng lahi nina Isacar at Asher na ibinigay sa lahi ni Manase: ang Bet Shan, Ibleam, Dor (na tinatawag ding Nafat Dor), Endor, Taanac, Megido at ang mga bayan sa paligid nito.

Josue 17