2. Ang kanilang hangganan sa timog ay nagsisimula sa baybayin ng katimugang bahagi ng Dagat na Patay
3. papunta sa timog ng Daang Paahon ng Akrabim hanggang sa ilang ng Zin papunta sa timog ng Kadesh Barnea, at lumampas sa Hezron paakyat sa Adar at paliko papunta sa Karka,
4. papunta sa Azmon, sa Lambak ng Egipto at sa Dagat ng Mediteraneo. Ito ang hangganan ng Juda sa timog.
5. Ang hangganan sa silangan ay ang Dagat na Patay hanggang sa labasan ng tubig ng Ilog ng Jordan.Ang hangganan sa hilaga ay nagmula roon sa labasan ng tubig ng Ilog ng Jordan,
6. paakyat sa Bet Hogla, at papunta sa hilaga ng Bet Araba hanggang sa Bato ni Bohan. (Si Bohan ay anak ni Reuben.)
7. Mula rito, papunta sa Lambak ng Acor hanggang sa Debir, at paliko sa hilaga papunta sa Gilgal na nakaharap sa Daang Paahon ng Adumim sa katimugang bahagi ng daluyan ng tubig. At umaabot ito papunta sa mga bukal ng En Shemesh at palabas ng En Rogel.
8. Mula roon papunta sa Lambak ng Ben Hinom hanggang sa katimugang libis ng lungsod ng mga Jebuseo. (Ito ay ang Jerusalem.) Mula roon, paahon sa tuktok ng bundok sa kanluran ng Lambak ng Ben Hinom sa dulo ng hilagang bahagi ng Lambak ng Refaim.
9. At mula roon, papunta sa Bukal ng Neftoa, palabas sa mga bayan na malapit sa Bundok ng Efron. Mula roon, pababa sa Baala (na siyang Kiriat Jearim),
10. lumiko sa bandang kanluran ng Baala papunta sa Bundok ng Seir. Pagkatapos, papunta ito sa hilagang bahagi ng libis ng Bundok ng Jearim (na siyang Kesalon), papunta sa Bet Shemesh at dumadaan sa Timnah.
11. Mula roon, nagpatuloy ito sa hilagang bahagi ng libis ng Ekron at paliko papunta sa Shikeron, at dumaraan sa Bundok ng Baala hanggang sa Jabneel. Ang hangganan nito ay ang Dagat ng Mediteraneo,
12. at ito rin ang hangganan sa kanluran. Iyon ang mga hangganan sa paligid ng lupaing hinati sa mga sambahayan ng lahi ni Juda.
13. Inutos ng Panginoon kay Josue na ibigay niya ang isang bahagi ng lupain ng lahi ni Juda kay Caleb na anak ni Jefune. Ang lupaing ito ay ang Kiriat Arba, na siyang Hebron. (Si Arba ang ama ni Anak.)
14. Pinalayas ni Caleb sa lupaing iyon ang tatlong lahi ni Anak: ang mga sambahayan nina Sheshai, Ahiman at Talmai.
15. Mula roon nilusob niya ang mga nakatira sa Debir (na noon ay tinatawag na Kiriat Sefer).
16. Sinabi ni Caleb, “Ibibigay ko bilang asawa ang anak kong si Acsa sa lalaking makakaagaw ng Kiriat Sefer.”
17. Si Otniel na anak ni Kenaz na kapatid ni Caleb ang nakaagaw ng lungsod. Kaya sa kanya ibinigay ni Caleb ang anak niyang si Acsa para maging asawa.