Josue 11:4-15 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. Dumating ang lahat ng hari, kasama ang mga sundalo nilang kasindami ng buhangin sa dagat. Marami rin silang kabayo at karwahe.

5. Nagtipon sila at nagkampo sa tabi ng Batis ng Merom para labanan ang Israel.

6. Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kayong matakot sa kanila, dahil bukas sa ganito ring oras, ibibigay ko silang lahat sa Israel para patayin. Pipilayan nʼyo ang mga kabayo nila at susunugin ang mga karwahe nila.”

7. Kaya biglang lumusob si Josue at ang mga sundalo niya sa Batis ng Merom.

8. At pinagtagumpay sila ng Panginoon sa mga kalaban nila. Hinabol nila ang mga kalaban nila hanggang sa Malaking Sidon at sa Misrefot Maim hanggang sa Lambak ng Mizpa sa silangan. Pinatay nila ang mga kalaban nila hanggang sa maubos.

9. At ginawa sa kanila ni Josue ang iniutos ng Panginoon: Pinilayan niya ang mga kabayo nila at pinasunog ang mga karwahe nila.

10. Pagkatapos, bumalik sina Josue at sinakop nila ang Hazor at pinatay ang hari nito. (Nang mga panahong iyon, ang Hazor ay ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng kaharian.)

11. Pinatay din nila ang lahat ng naninirahan sa Hazor. Nilipol nila ito nang lubusan at walang naiwang buhay. At ang lungsod mismo ay sinunog nila.

12. Sinakop ni Josue ang lahat ng lungsod. Pinatay nila ang lahat ng naninirahan dito, pati na ang mga hari nito. Nilipol nila ito nang lubusan ayon sa iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon.

13. Pero hindi sinunog ng mga Israelita ang mga lungsod sa mga bulubundukin, maliban lang sa Hazor.

14. Kinuha ng mga Israelita para sa sarili ang lahat ng nasamsam na mga hayop at mga ari-arian ng mga lungsod na ito. Pero nilipol nila nang lubusan ang mga naninirahan dito, at walang naiwang buhay.

15. Iyon ang iniutos ng Panginoon kay Moises na gawin at ito rin ang iniutos ni Moises kay Josue. Tinupad ni Josue ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

Josue 11