Josue 11:12-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

12. Sinakop ni Josue ang lahat ng lungsod. Pinatay nila ang lahat ng naninirahan dito, pati na ang mga hari nito. Nilipol nila ito nang lubusan ayon sa iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon.

13. Pero hindi sinunog ng mga Israelita ang mga lungsod sa mga bulubundukin, maliban lang sa Hazor.

14. Kinuha ng mga Israelita para sa sarili ang lahat ng nasamsam na mga hayop at mga ari-arian ng mga lungsod na ito. Pero nilipol nila nang lubusan ang mga naninirahan dito, at walang naiwang buhay.

15. Iyon ang iniutos ng Panginoon kay Moises na gawin at ito rin ang iniutos ni Moises kay Josue. Tinupad ni Josue ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

16. Sinakop nga ni Josue ang buong lupain: ang kabundukan, ang buong lupain ng Negev, ang buong lupain ng Goshen, ang mga kaburulan sa kanluran, ang Lambak ng Jordan, ang mga kabundukan at kaburulan ng Israel.

17. Ang teritoryo na sinakop niya ay mula sa Bundok ng Halak na paahon sa Seir hanggang sa Baal Gad sa Lambak ng Lebanon sa ibaba ng Bundok ng Hermon. Dinakip at pinatay niya ang mga hari ng mga lugar na ito

18. sa mahabang panahon ng pakikipaglaban nila.

19. Walang nakikipagkasundo sa mga Israelita para sa kapayapaan maliban lang sa mga Hiveo na nakatira sa Gibeon. Ang lahat ng hindi nakipagkasundo ay nilipol sa labanan.

20. Sapagkat pinatigas ng Panginoon ang puso nila para makipaglaban sila sa mga Israelita. Kaya nga lubusan silang nilipol nang walang awa, ayon sa inutos ng Panginoon kay Moises.

21. Nang panahong iyon, nilusob ni Josue ang mga lahi ni Anak na nakatira sa mga kabundukan ng Hebron, Debir, Anab, at sa lahat ng kabundukan ng Juda at Israel. Nilipol sila nang lubusan ni Josue pati na ang kanilang mga bayan.

22. Wala nang natirang kalahi si Anak sa teritoryo ng mga Israelita, pero may natira pa sa kanila sa Gaza, Gat at sa Ashdod.

Josue 11