5. Kaya nagkaisa ang limang hari ng mga Amoreo: ang hari ng Jerusalem, Hebron, Jarmut, Lakish at Eglon. Tinipon nila ang mga sundalo nila at nilusob ang Gibeon.
6. Nagpadala ng mensahe ang mga taga-Gibeon kay Josue sa kampo nito sa Gilgal. Sinabi nila, “Huwag nʼyo kaming pabayaan, kaming mga lingkod ninyo. Pumunta po kayo agad dito at iligtas kami. Tulungan nʼyo kami dahil pinagtutulungan kami ng lahat ng hari ng mga Amoreo na nakatira sa mga kabundukan.”
7. Kaya umalis si Josue kasama ang lahat ng sundalo niya, pati ang lahat ng mahuhusay makipaglaban.
8. Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Ibibigay ko sila sa iyo. Wala kahit isa sa kanila ang makakatalo sa iyo.”
9. Buong gabing naglakad sina Josue mula sa Gilgal, at nilusob nila ang mga kalaban na walang kamalay-malay.
10. Sinindak ng Panginoon ang mga kalaban nang makaharap nila ang mga Israelita, at marami sa kanila ang pinatay doon sa Gibeon. Ang iba sa kanilaʼy hinabol at pinatay sa daang paakyat sa Bet Horon hanggang sa Azeka at Makeda.
11. Patuloy ang paghabol sa kanila ng mga Israelita habang bumababa sila galing sa Bet Horon. At nang papunta sila sa Azeka, pinaulanan sila ng Panginoon ng malalaking yelo at namatay sila. Mas marami pang namatay sa kanila sa yelo kaysa sa espada ng mga Israelita.
12. Nang araw na pinagtagumpay ng Panginoon ang mga Israelita laban sa mga Amoreo, nanalangin si Josue sa Panginoon. Pagkatapos, sinabi niya habang nakikinig ang mga Israelita, “Araw, tumigil ka sa taas ng Gibeon! Ikaw naman buwan, tumigil ka sa taas ng Lambak ng Ayalon.”
13. Kaya tumigil ang araw at ang buwan hanggang sa natalo ng mga Israelita ang mga kalaban nila.Ang pangyayaring ito ay nakasulat sa Aklat ni Jashar. Tumigil ang araw sa gitna ng langit, at hindi ito lumubog sa buong araw.
14. Hindi pa nangyari ang ganito mula noon, mula noon, na sumagot ang Panginoon sa panalangin ng tao na kagaya nito. Tunay na nakikipaglaban ang Panginoon para sa Israel.
15. Pagkatapos, bumalik si Josue at ang lahat ng mga Israelita sa kampo nila sa Gilgal.
16. Nakatakas ang limang hari at nagtago sa kweba sa Makeda.
17. Pero may nakakita sa kanila na doon sila nagtatago, at sinabi nila ito kay Josue.
18. Kaya sinabi ni Josue, “Tabunan nʼyo ng malalaking bato ang bukana ng kweba at bantayan ninyo.
19. Pero huwag kayong manatili roon kundi habulin nʼyo at lusubin ang mga naiwang kalaban. Siguraduhin ninyong hindi sila makakapasok sa mga lungsod nila. Dahil ibibigay sila sa inyo ng Panginoon na inyong Dios.”
20. Halos naubos ni Josue at ng mga Israelita ang mga kalaban nila. Pero mayroon ding nakaligtas at nakapasok sa mga napapaderang lungsod nito.
21. At bumalik ang lahat ng sundalo kay Josue sa kampo nila sa Makeda. Mula noon, wala nang nagtangkang magsalita laban sa mga Israelita.
22. At nag-utos si Josue, “Buksan nʼyo ang kweba at dalhin dito sa akin ang limang hari.”