32. Ibinigay ng Panginoon ang Lakish sa mga Israelita sa ikalawang araw ng labanan. Gaya ng ginawa nila sa Libna, pinatay din nila ang lahat ng naninirahan sa Lakish.
33. Habang nilulusob nila ang Lakish, si Haring Horam ng Gezer at ang mga sundalo nito ay tumulong sa Lakish, pero natalo sila ni Josue, at walang naiwang buhay sa kanila.
34. Mula sa Lakish, pumunta si Josue at ang mga Israelita sa Eglon. Pinalibutan din nila ito at nilusob.
35. Sa mismong araw na iyon, nasakop nila ang Eglon at pinatay ang lahat ng naninirahan dito. Nilipol nila ito nang lubusan gaya ng ginawa nila sa Lakish.
36. Mula sa Eglon, umahon si Josue at ang mga Israelita sa Hebron at nilusob ito.
37. Sinakop nila ang lungsod, at pinatay nila ang hari at ang lahat ng naninirahan dito, pati na ang mga tao sa karatig baryo. Walang naiwang buhay. Winasak nila nang lubusan ang buong lungsod gaya ng ginawa nila sa Eglon.
38. Pagkatapos nito, bumalik si Josue at ang mga Israelita at lumusob sa Debir.
39. Inagaw nila ang lungsod at pinatay ang hari at ang lahat ng naninirahan dito, pati ang mga tao sa karatig baryo. Nilipol nila ito nang lubusan, at walang naiwang buhay. Ang ginawa nila sa Hebron at Libna at sa mga hari nito ay ginawa rin nila sa Debir at sa hari nito.