19. Pero huwag kayong manatili roon kundi habulin nʼyo at lusubin ang mga naiwang kalaban. Siguraduhin ninyong hindi sila makakapasok sa mga lungsod nila. Dahil ibibigay sila sa inyo ng Panginoon na inyong Dios.”
20. Halos naubos ni Josue at ng mga Israelita ang mga kalaban nila. Pero mayroon ding nakaligtas at nakapasok sa mga napapaderang lungsod nito.
21. At bumalik ang lahat ng sundalo kay Josue sa kampo nila sa Makeda. Mula noon, wala nang nagtangkang magsalita laban sa mga Israelita.
22. At nag-utos si Josue, “Buksan nʼyo ang kweba at dalhin dito sa akin ang limang hari.”
23. Kaya pinalabas nila sa kweba ang limang hari: ang hari ng Jerusalem, Hebron, Jarmut, Lakish at Eglon.
24. Nang madala na ang limang hari kay Josue, tinipon ni Josue ang lahat ng mga Israelita at sinabi niya sa mga kumander ng mga sundalo niya, “Halikayo, at tapakan nʼyo ang leeg ng mga haring ito.” Kaya lumapit sila at tinapakan nila ang leeg ng mga haring iyon.
25. Sinabi sa kanila ni Josue, “Huwag kayong matakot o kayaʼy panghinaan ng loob. Magpakatatag kayo at magpakatapang. Ito ang gagawin ng Panginoon sa lahat ng kalaban ninyo.”
26. At pinatay ni Josue ang limang hari at ipinabitin sa limang puno hanggang hapon.
27. Nang lumubog na ang araw, ipinakuha ni Josue ang mga bangkay nila at ipinatapon sa kweba na pinagtaguan nila. Tinakpan nila ang bunganga ng kweba ng malalaking bato na hanggang ngayon ay naroon pa.
28. Nang araw na iyon, sinakop ni Josue ang Makeda. Pinapatay niya ang lahat ng naninirahan dito, pati na ang hari nito. Nilipol niya ito nang lubusan, at walang naiwang buhay. Ginawa ni Josue sa hari ng Makeda ang ginawa rin niya sa hari ng Jerico.
29. Mula sa Makeda, pumunta si Josue at ang mga Israelita sa Libna at nilusob ito.
30. Ibinigay din sa kanila ng Panginoon ang lungsod at ang hari nito. Pinatay nila ang lahat ng naninirahan dito, at walang naiwang buhay. Ginawa ni Josue sa hari ng Libna ang ginawa niya sa hari ng Jerico.
31. Mula sa Libna, pumunta si Josue at ang mga Israelita sa Lakish. Pinalibutan nila ito at nilusob.
32. Ibinigay ng Panginoon ang Lakish sa mga Israelita sa ikalawang araw ng labanan. Gaya ng ginawa nila sa Libna, pinatay din nila ang lahat ng naninirahan sa Lakish.
33. Habang nilulusob nila ang Lakish, si Haring Horam ng Gezer at ang mga sundalo nito ay tumulong sa Lakish, pero natalo sila ni Josue, at walang naiwang buhay sa kanila.
34. Mula sa Lakish, pumunta si Josue at ang mga Israelita sa Eglon. Pinalibutan din nila ito at nilusob.
35. Sa mismong araw na iyon, nasakop nila ang Eglon at pinatay ang lahat ng naninirahan dito. Nilipol nila ito nang lubusan gaya ng ginawa nila sa Lakish.