6. Magpakatatag ka at magpakatapang, dahil ikaw ang mamumuno sa mga taong ito para angkinin ang lupaing ipinangako ko sa mga ninuno nila.
7. Bastaʼt magpakatatag ka lang at magpakatapang. Sundin mong mabuti ang lahat ng kautusan na ibinigay sa iyo ng lingkod kong si Moises. Huwag mo itong kalilimutan para magtagumpay ka sa lahat ng ginagawa mo.
8. Huwag mong kalimutang basahin ang Aklat ng Kautusan. Pagbulay-bulayan mo ito araw at gabi para malaman mo kung paano mo matutupad nang mabuti ang lahat ng nakasulat dito. Kung gagawin mo ito, uunlad ka at magtatagumpay.
9. Alalahanin mo palagi ang bilin ko sa iyo: Magpakatatag ka at magpakatapang. Huwag kang matakot o kayaʼy manghina, dahil ako, ang Panginoon na iyong Dios, ay sasaiyo kahit saan ka pumaroon.”
10. Kaya, inutusan ni Josue ang mga pinuno ng Israel,
11. “Libutin ninyo ang kampo at sabihin ninyo sa mga tao na maghanda sila ng mga pagkain nila dahil sa ikatlong araw mula ngayon, tatawid tayo sa Ilog ng Jordan para angkinin ang lupaing ibinigay sa atin ng Panginoon na ating Dios.”
12. At sinabi ni Josue sa mga lahi nina Reuben, Gad at sa kalahating lahi ni Manase,
13. “Alalahanin nʼyo ang sinabi sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon. Sinabi niya na bibigyan kayo ng Panginoon na inyong Dios ng lugar na matitirhan na may kapahingahan. At ito na nga ang lupaing ibinigay niya sa inyo:
14. Ang silangang bahagi ng Ilog ng Jordan. Mananatili rito ang mga asawa, mga anak at mga hayop ninyo. Pero dapat mauna ang mga sundalo sa pagtawid sa Jordan para tulungan ang mga kapatid ninyo,
15. hanggang sa masakop nila ang lupaing ibinigay sa kanila ng Panginoon na ating Dios. Pagkatapos, maaari na kayong bumalik dito sa silangang bahagi ng Jordan, para angkinin ang lupaing ito na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod niya.”
16. Sumagot sila kay Josue, “Gagawin namin ang lahat ng sinabi nʼyo, at pupunta kami kahit saan nʼyo kami ipadala.
17. Susunod kami sa inyo gaya ng pagsunod namin kay Moises. Samahan nawa kayo ng Panginoon na inyong Dios gaya ng pagsama niya kay Moises.
18. Papatayin ang sinumang lalabag sa pamumuno at utos ninyo. Kaya magpakatatag po kayo at magpakatapang!”