12. At sinabi ni Josue sa mga lahi nina Reuben, Gad at sa kalahating lahi ni Manase,
13. “Alalahanin nʼyo ang sinabi sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon. Sinabi niya na bibigyan kayo ng Panginoon na inyong Dios ng lugar na matitirhan na may kapahingahan. At ito na nga ang lupaing ibinigay niya sa inyo:
14. Ang silangang bahagi ng Ilog ng Jordan. Mananatili rito ang mga asawa, mga anak at mga hayop ninyo. Pero dapat mauna ang mga sundalo sa pagtawid sa Jordan para tulungan ang mga kapatid ninyo,
15. hanggang sa masakop nila ang lupaing ibinigay sa kanila ng Panginoon na ating Dios. Pagkatapos, maaari na kayong bumalik dito sa silangang bahagi ng Jordan, para angkinin ang lupaing ito na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod niya.”
16. Sumagot sila kay Josue, “Gagawin namin ang lahat ng sinabi nʼyo, at pupunta kami kahit saan nʼyo kami ipadala.
17. Susunod kami sa inyo gaya ng pagsunod namin kay Moises. Samahan nawa kayo ng Panginoon na inyong Dios gaya ng pagsama niya kay Moises.
18. Papatayin ang sinumang lalabag sa pamumuno at utos ninyo. Kaya magpakatatag po kayo at magpakatapang!”