1. Hipan ninyo ang trumpeta upang bigyang babala ang mga tao sa Zion, ang banal na bundok ng Panginoon. Lahat kayong nakatira sa Juda, manginig kayo sa takot, dahil malapit na ang araw ng paghatol ng Panginoon.
2. Magiging maulap at madilim ang araw na iyon. Kakalat ang napakaraming balang sa mga kabundukan na parang sinag ng araw kapag nagbubukang-liwayway. Wala pang nangyaring kagaya nito noon, at hindi na mangyayari ang katulad nito kahit kailan.
3. Sunud-sunod na sumalakay ang mga balang na parang apoy. Bago sila dumating ang lupain ay parang halamanan ng Eden. Pero nang masalakay na nila, para na itong disyerto. Wala silang halaman na itinira.
4. Parang kabayo ang kanilang anyo, at mabilis sila tulad ng mga kabayong pandigma.
5. Ang ingay ng kanilang paglukso sa ibabaw ng mga bundok ay parang mga karwaheng tumatakbo at parang ingay ng nasusunog na dayami. Tulad sila ng makapangyarihang hukbo na handang makipagdigma.
6. Ang mga taong makakakita sa kanila ay mamumutla sa takot.
9. Sinasalakay nila ang lungsod at inaakyat ang mga pader nito. Inaakyat nila ang mga bahay at pumapasok sa mga bintana na parang magnanakaw.
10. Nayayanig ang lupa at ang langit sa kanilang pagdating. At nagdidilim ang araw at ang buwan, at nawawalan ng liwanag ang mga bituin.
11. Inuutusan ng Panginoon ang kanyang hukbo – ang napakarami at makapangyarihang mga balang – at sumusunod sila sa kanyang utos. Nakakatakot ang araw ng pagpaparusa ng Panginoon. Sino ang makakatagal dito?
12. Sinabi ng Panginoon na ito na ang panahon para magbalik-loob kayo sa kanya nang buong puso, na nag-aayuno, nananangis at nagdadalamhati.
13. Magsisi kayo nang buong puso at hindi pakitang-tao lamang sa pamamagitan ng pagpunit ng inyong mga damit. Magbalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Dios, dahil mahabagin siya at maalalahanin. Mapagmahal siya at hindi madaling magalit. Handa siyang magbago ng isip upang hindi na magpadala ng parusa.