Job 9:26-35 Ang Salita ng Dios (ASND)

26. Dumadaan ito na kasimbilis ng isang matuling sasakyang pandagat o ng agilang dumadagit ng pagkain.

27. Kahit tumigil na ako sa pagdaing at pagdadalamhati at akoʼy ngumiti na,

28. nananaig pa rin sa akin ang takot sa mga paghihirap na maaaring dumating sa akin. Dahil alam kong hindi niya ako ituturing na walang kasalanan.

29. Yaman din lamang na itinuring na niya akong may kasalanan, wala nang halaga na ipagtanggol ko pa ang aking sarili.

30. Kahit sabunan ko pa ang aking buong katawan para luminis,

31. ilulubog pa rin niya ako sa maputik na hukay, upang kahit ang sarili kong damit ay ikahiya ako.

32. Hindi tao ang Dios na katulad ko; hindi ko siya kayang sagutin o isakdal man sa hukuman.

33. Mayroon sanang mamagitan sa amin para pagkasunduin kaming dalawa,

34. at mapatigil sana niya ang pagpalo ng Dios sa akin, para hindi na ako matakot.

35. Kung magkagayoʼy makakausap ko na ang Dios nang walang takot, pero sa ngayon hindi ko pa ito magagawa.”

Job 9