1. Sumagot si Job,
2. “Totoo ang sinabi mo. Pero paano mapapatunayan ng tao na wala siyang kasalanan sa harapan ng Dios?
3. Kahit na makipagtalo pa siya sa Dios sa hukuman, wala siyang magagawa, dahil sa isang libong katanungan ng Dios, hindi niya masasagot isa man sa mga ito.
4. Marunong at makapangyarihan ang Dios. Sino ang nakipaglaban sa kanya at nagtagumpay?
5. “Walang anu-anoʼy pinauuga niya ang mga bundok at natitibag ito sa tindi ng kanyang galit.
6. Niyayanig niya ang lupa at ang mga pundasyon nito ay nauuga.
7. Kapag inutusan niya ang araw o ang mga bituin, hindi ito sisikat o magbibigay ng liwanag.
8. Tanging siya lang ang nakapaglalatag ng langit at nakapagpapatigil ng alon.
9. Siya ang manlilikha ng grupo ng mga bituin na tinatawag na Oso, Orion, Pleyades, at mga bituin sa katimugan.
10. Gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay at mga himalang hindi kayang unawain at bilangin.