Job 7:6-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. “Lumilipas po ang aking mga araw na walang pag-asa. Mabilis itong lumilipas, higit pa sa bilis ng isang habian ng manghahabi.

7. O Dios, alalahanin nʼyo po na ang buhay koʼy parang isang hinga lamang, at hindi na po ako makadama ng anumang ligaya.

8. Nakikita nʼyo po ako ngayon pero sa huli ay hindi na. Hahanapin nʼyo ako ngunit hindi nʼyo ako matatagpuan.

9. Kung papaanong ang mga ulap ay nawawala at hindi na nakikita, ganoon din ang mga namamatay, hindi na sila nakakabalik pa.

10. Hindi na siya makakauwi sa kanyang bahay, at makakalimutan na siya ng mga nakakakilala sa kanya.

11. “Kaya po hindi ako maaaring manahimik; naninikip na po ang aking dibdib at kailangan ko na pong sabihin ang aking sama ng loob.

12. O Dios, bakit nʼyo po ako binabantayan? Isa ba akong dambuhalang halimaw sa dagat na dapat bantayan?

13. Kung gusto ko pong mahiga para makapagpahinga sa tinitiis kong hirap,

14. tinatakot nʼyo naman po ako sa pamamagitan ng mga panaginip at pangitain.

15. Kaya mas mabuti pang sakalin na lang ako at mamatay kaysa mabuhay sa katawang ito.

16. Kinasusuklaman ko ang aking buhay. Ayoko nang mabuhay. Hayaan nʼyo na lang akong mamatay, dahil wala nang kabuluhan ang aking buhay.

17. “Ano po ba ang tao para pahalagahan at pagmalasakitan nʼyo ng ganito?

18. Sinisiyasat nʼyo siya tuwing umaga at sinusubukan sa bawat sandali.

19. Kung maaari, hayaan na lang muna nʼyo ako kahit sandali lang.

20. At kung nagkasala naman po ako, ano po ang kasalanang nagawa ko sa inyo, O Tagapagbantay ng tao? Bakit ako ang pinili nʼyong pahirapan? Naging pabigat po ba ako sa inyo?

21. Kung nagkasala po ako sa inyo, bakit hindi nʼyo na lang ako patawarin? Hindi na rin naman magtatagal at papanaw na ako, at kahit hanapin nʼyo ako, hindi nʼyo na ako makikita.”

Job 7