Job 7:2-16 Ang Salita ng Dios (ASND)

2. o gaya ng isang aliping nagnanais na sumapit na ang hapon upang siyaʼy makapagpahinga, o tulad ng isang manggagawang naghihintay ng kanyang sweldo.

3. Ganyan din ang kalagayan ko. Ilang buwan na ang aking paghihirap na walang kabuluhan. Kahit gabiʼy naghihirap ako,

4. at habang nakahiga ako, iniisip ko kung kailan darating ang umaga. Napakabagal ng takbo ng oras. Hindi ako mapalagay hanggang magbukang-liwayway.

5. Ang katawan koʼy puno ng uod at langib. Nagnanana at pumuputok ang mga pigsa kong namamaga.”

6. “Lumilipas po ang aking mga araw na walang pag-asa. Mabilis itong lumilipas, higit pa sa bilis ng isang habian ng manghahabi.

7. O Dios, alalahanin nʼyo po na ang buhay koʼy parang isang hinga lamang, at hindi na po ako makadama ng anumang ligaya.

8. Nakikita nʼyo po ako ngayon pero sa huli ay hindi na. Hahanapin nʼyo ako ngunit hindi nʼyo ako matatagpuan.

9. Kung papaanong ang mga ulap ay nawawala at hindi na nakikita, ganoon din ang mga namamatay, hindi na sila nakakabalik pa.

10. Hindi na siya makakauwi sa kanyang bahay, at makakalimutan na siya ng mga nakakakilala sa kanya.

11. “Kaya po hindi ako maaaring manahimik; naninikip na po ang aking dibdib at kailangan ko na pong sabihin ang aking sama ng loob.

12. O Dios, bakit nʼyo po ako binabantayan? Isa ba akong dambuhalang halimaw sa dagat na dapat bantayan?

13. Kung gusto ko pong mahiga para makapagpahinga sa tinitiis kong hirap,

14. tinatakot nʼyo naman po ako sa pamamagitan ng mga panaginip at pangitain.

15. Kaya mas mabuti pang sakalin na lang ako at mamatay kaysa mabuhay sa katawang ito.

16. Kinasusuklaman ko ang aking buhay. Ayoko nang mabuhay. Hayaan nʼyo na lang akong mamatay, dahil wala nang kabuluhan ang aking buhay.

Job 7