Job 5:12-26 Ang Salita ng Dios (ASND)

12. Sinisira niya ang plano ng mga mandaraya, para hindi sila magtagumpay.

13. Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan, at hinahadlangan ang plano ng mga mandaraya.

14. Hindi sila nakakakita kahit maliwanag, at nangangapa sila na parang gabi kahit na katanghalian.

15. Inililigtas ng Dios ang mga dukha mula sa kamatayan at sa mga taong makapangyarihan na umaapi sa kanila.

16. Kaya may pag-asa ang mga dukha, pero ang masasama ay kanyang sinasaway.

17. “Mapalad ang taong itinutuwid ng Dios ang pag-uugali. Kaya huwag mong mamasamain ang pagtutuwid ng Makapangyarihang Dios sa iyo.

18. Sapagkat ang kanyang mga sinusugatan ay kanya ring ginagamot, at ang kanyang sinasaktan ay kanya ring pinagagaling.

19. Palagi ka niyang ililigtas sa mga salot at panganib.

20. Ililigtas ka niya sa kamatayan sa panahon ng taggutom at digmaan.

21. Iingatan ka niya kung sisiraan ka ng iba, at wala kang katatakutan kung dumating man ang kapahamakan.

22. Ang taggutom at kapahamakan ay iyong tatawanan at hindi ka matatakot sa mababangis na hayop,

23. sapagkat hindi ka gagalawin ng mga ito. At hindi ka na mahihirapang magtanim sa bukid mong mabato.

24. Mamumuhay ng payapa ang sambahayan mo at walang mawawala sa iyong mga hayop.

25. Dadami ang iyong angkan na parang kasindami ng mga damo sa lupa.

26. Hahaba ang buhay mo at hindi ka mamamatay nang hindi sa tamang panahon.

Job 5