Job 5:1-14 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. “Job, kahit humingi ka ng tulong, walang tutulong sa iyo. Kahit ang mga anghel ay hindi ka tutulungan.

2. Ang galit at paninibugho ay pumapatay sa hangal at sa walang karunungan.

3. Ayon sa aking nakita at nalaman, maaaring umunlad ang pamumuhay ng isang hangal, pero bigla na lang isusumpa ng Dios ang sambahayan niya.

4. Ang mga anak niyaʼy walang malalapitan at wala ring magtatanggol sa kanila sa hukuman.

5. Ang ani niyaʼy kakainin ng iba. At kahit ang mga bungang nasa tinikan ay kukunin ng mga taong gutom. Ang kayamanan niyaʼy aagawin ng mga taong uhaw sa mga ari-arian.

6. Ang kahirapan at kaguluhan ay hindi tumutubo sa alikabok o lupa.

7. Likas sa tao ang gumawa ng kahirapan at kaguluhan, tulad ng alipatong mula sa apoy na lumilipad paitaas.

8. “Kung ako sa iyo, lalapit ako sa Dios. Sasabihin ko sa kanya ang aking kalagayan.

9. Sapagkat gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay at mga himalang hindi kayang unawain o bilangin.

10. Nagpapadala siya ng ulan sa mundo at pinatutubigan niya ang mga bukirin.

11. Itinataas niya ang mga nagpapakumbaba at kinakalinga ang mga nagdadalamhati.

12. Sinisira niya ang plano ng mga mandaraya, para hindi sila magtagumpay.

13. Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan, at hinahadlangan ang plano ng mga mandaraya.

14. Hindi sila nakakakita kahit maliwanag, at nangangapa sila na parang gabi kahit na katanghalian.

Job 5