Job 41:25-34 Ang Salita ng Dios (ASND)

25. Kapag siyaʼy tumayo, takot na takot pati ang mga makapangyarihang tao.

26. Walang espada, sibat, pana, o palasong makakapanakit sa kanya.

27. Para sa kanya ang bakal ay kasinlambot lang ng dayami at ang tanso ay para lang bulok na kahoy.

28. Hindi niya iniilagan ang mga pana. Ang mga batong tumatama sa kanyaʼy nagiging parang mga ipa lang.

29. Ang mga kahoy na ipinapalo ay parang mga dayami lang sa kanya. At pinagtatawanan lang niya ang mga humahagibis na sibat na isinisibat sa kanya.

30. Ang tiyan niyaʼy may mga kaliskis na matalim, na parang mga basag na bote. Kaya kapag gumagapang siya sa putik, nag-iiwan siya ng mga bakas.

31. Kinakalawkaw niya ang dagat hanggang bumula na parang kumukulong tubig sa palayok o kumukulong langis sa kaldero.

32. Ang tubig na kanyang dinadaanan ay bumubula, parang puting buhok kung tingnan.

33. Wala siyang katulad dito sa mundo. Isa siyang nilalang na walang kinatatakutan.

34. Minamaliit niya ang lahat ng mayayabang na hayop. Siya ang hari ng lahat ng mababangis na hayop sa gubat.”

Job 41