Job 41:2-14 Ang Salita ng Dios (ASND)

2. Matatalian mo ba ng lubid ang ilong niya o mailalagay mo kaya ang kawil sa kanyang panga?

3. Kapag nagawa mo iyon, makikiusap kaya siyang lagi sa iyo na pakawalan mo siya, o di kayaʼy magmakaawa siya sa iyo?

4. Makikipagkasundo kaya siya sa iyo na magpapaalipin habang buhay?

5. Magagawa mo kaya siyang parang alagang ibon o maibibigay mo ba siya sa iyong mga anak na babae para kanilang laruin?

6. May negosyante kayang bibili sa kanya at hihiwa-hiwain siya para ipagbili?

7. Tatalaban kaya ng matulis na sibat ang kanyang ulo o balat?

8. Kapag hinawakan mo siya, maaalala mo kung gaano ito kahirap hulihin at masasabi mong hinding-hindi ka na uulit.

9. Walang saysay ang mga pagsisikap na hulihin siya, dahil makita mo pa lang siyaʼy maduduwag ka na.

10. Kung sa kanya ngaʼy walang mangangahas gumambala, sino pa kayang mangangahas na lumaban sa akin?

11. Sino ang makapagsasabing may utang na loob ako sa kanya? Ang lahat dito sa mundo ay akin.

12. “Sasabihin ko pa sa iyo ang tungkol sa katawan ng Leviatan at kung gaano siya kalakas at kamakapangyarihan.

13. Sinong makakatuklap ng kanyang balat o makakatusok nito?

14. Sino ang makakapagpabuka ng kanyang bunganga? Ang mga ngipin niyaʼy nakakatakot.

Job 41