Job 39:12-26 Ang Salita ng Dios (ASND)

12. Maaasahan mo kaya siyang tipunin at hakutin ang iyong ani papunta sa giikan?

13. “Napakagandang tingnan ng pakpak ng malaking ibong kapag itoʼy pumapagaspas, pero hindi nito mapantayan ang ganda ng pakpak ng tagak.

14. Iniiwanan ng malaking ibong ito ang kanyang mga itlog sa lupa para mainitan.

15. Hindi siya nag-aalalang baka matapakan ito o madaganan ng mga hayop sa gubat.

16. Malupit siya sa kanyang mga sisiw, parang hindi kanya kung ituring. Hindi siya nag-aalala na ang pinaghirapan niya ay mawawalan ng kabuluhan.

17. Sapagkat hindi ko siya binigyan ng karunungan at pang-unawa.

18. Pero kapag tumakbo na siya, tinatawanan niya ang kabayo at ang sakay nito.

19. “Job, ikaw ba ang nagbibigay ng lakas sa kabayo? Ikaw din ba ang naglagay ng kanyang kiling?

20. Ikaw ba ang nagpapalukso sa kanya gaya ng isang balang at nagpapatakot sa mga tao kapag siya ay sumisinghal?

21. Kumakahig siya sa lupa na parang ipinagmamalaki ang kanyang lakas. Pagkatapos ay tumatakbo siya papunta sa digmaan.

22. Wala siyang kinatatakutan, ni hindi siya natatakot sa espada.

23. Kumakalansing at kumikislap ang mga sandata ng sumasakay sa kanya.

24. Lumilipad ang alikabok sa bilis ng kanyang pagtakbo. Hindi na siya mapigilan kapag tumunog na ang trumpeta.

25. Sumisinghal siya kapag naririnig ang trumpeta. Naaamoy niya ang digmaan kahit sa malayo, at naririnig niya ang ingay ng digmaan at ang sigaw ng mga kumander.

26. “Ikaw ba ang nagtuturo sa lawin na lumipad at pumunta sa timog?

Job 39