Job 37:11-24 Ang Salita ng Dios (ASND)

11. Pinupuno niya ng tubig ang mga ulap at pinakikidlat ito.

12. Sa kanyang utos, nagpapaikot-ikot sa buong mundo ang mga ulap.

13. Ginagamit niya ang mga ito upang ituwid ang tao, o ipadama ang kanyang pag-ibig.

14. “Job, pakinggan mo ito, at pagbulay-bulayan ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa ng Dios.

15. Alam mo ba kung paano inuutusan ng Dios ang ulap, at kung paano siya nagpapakidlat mula rito?

16. Alam mo ba kung paano lumulutang ang mga ulap? Ang lahat ng itoʼy kahanga-hangang gawa ng Dios na ang dunong ay walang hangganan.

17. Ikaʼy pagpapawisan dahil sa mainit na hangin mula sa timog,

18. matutulungan mo ba ang Dios na ilatag ang kalangitan at patigasin na parang tansong salamin?

19. “Kung matalino ka, sabihin mo sa amin kung ano ang dapat naming sabihin sa Dios. Hindi namin alam kung paano kami mangangatwiran dahil kulang ang aming kaalaman.

20. Hindi ko gugustuhing makipagtalo sa Dios, dahil baka akoʼy kanyang ipahamak.

21. Walang sinumang makakatitig sa araw na nagliliwanag sa himpapawid, pagkatapos mahawi ng hangin ang mga ulap.

22. Mula sa hilaga, paparating ang Dios na nagniningning na parang ginto at ang kanyang liwanag ay kahanga-hanga.

23. Hindi natin lubos na maunawaan ang Makapangyarihang Dios na napakadakila. Lubos siyang makatarungan, matuwid at hindi nang-aapi,

24. kaya iginagalang siya ng mga tao. Hindi niya pinapansin ang mga taong nagsasabing sila ay marunong.”

Job 37