Job 36:15-33 Ang Salita ng Dios (ASND)

15. Pero sa pamamagitan ng mga paghihirap, tinuturuan ng Dios ang mga tao. Natututo silang makinig sa kanya sa pamamagitan ng mga pagdurusa.

16. “Inilalayo ka ng Dios sa panganib at binibigyan ng kalayaan at kasaganaan. At mapupuno ng masasarap na pagkain ang iyong hapag-kainan.

17. Pero ngayong nararanasan mo ang parusang nararapat sa masasama, hindi ka na makakaiwas sa katarungan.

18. Mag-ingat ka, baka matukso ka sa kayamanan at mailigaw ng malalaking suhol.

19. Makakatulong kaya sa iyong paghihirap ang mga kayamanan moʼt kakayahan?

20. Huwag mong hahanapin ang gabi, ang panahon ng kapahamakan ng mga bansa.

21. Mag-ingat kaʼt huwag gumawa ng masama. Pinahihirapan ka para makaiwas sa kasamaan.

22. “Alalahanin mong ang Dios ay tunay makapangyarihan. Walang guro na katulad niya.

23. Walang makapagtuturo sa kanya kung ano ang dapat niyang gawin, at walang makapagsasabing nagkamali siya.

24. Huwag mong kalimutang purihin ang kanyang mga ginawa gaya ng ginagawa ng iba sa kanilang pag-awit.

25. Nakita ng lahat ang kanyang mga gawa, kahit tinitingnan ito mula sa malayo.

26. Tunay na makapangyarihan ang Dios at hinding-hindi natin kayang unawain ang kanyang kadakilaan. Kahit ang kanyang mga taon ay hindi natin mabibilang.

27. “Ang Dios ang nagpapaakyat ng tubig mula sa lupa at ginagawa niyang ulan.

28. Bumubuhos ang ulan mula sa ulap para sa mga tao.

29. Walang nakakaalam kung paano kumakalat ang ulap, at kung paano kumukulog sa langit kung saan nananahan ang Dios.

30. Masdan mo kung paano niya pinakikidlat sa kanyang paligid, at kung paano nito pinaliliwanag hanggang sa dulo ng dagat.

31. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, pinamumunuan niya ang mga bansa at binibigyan ng saganang pagkain ang mga tao.

32. Hinahawakan niya ang kidlat at inuutusang tamaan ang sinumang nais niyang patamaan.

33. Ang kulog ay nagpapahiwatig na may bagyong paparating, kahit mga hayop ay alam na itoʼy darating.

Job 36