19. Wala siyang itinatangi sa mga pinuno at wala rin siyang pinapanigan, mayaman man o mahirap, dahil silang lahat ay pare-pareho niyang nilikha.
20. Kahit ang taong makapangyarihan ay biglang mamamatay sa gabi nang hindi ginagalaw ng tao.
21. “Binabantayan ng Dios ang lahat ng ginagawa ng tao.
22. Walang madilim na lugar na maaaring pagtaguan ng masama.
23. Hindi na kailangang tawagin pa ng Dios ang tao upang humarap sa kanya para tanungin at hatulan.
24. Hindi na niya kailangang imbestigahan pa ang taong namumuno para alisin ito sa katungkulan at palitan ng iba.
25. Sapagkat alam niya ang kanilang ginagawa, inaalis niya sila sa kapangyarihan at nililipol kahit gabi.
26. Hayagan niya silang pinaparusahan dahil sa kanilang kasamaan.
27. Ginawa niya ito dahil tumigil sila ng pagsunod sa kanya, at binalewala ang kanyang pamamaraan.
28. Inaapi nila ang mga dukha, at narinig ng Dios ang paghingi ng mga ito ng tulong.
29. Pero kahit na tumahimik ang Dios at magtago, walang sinuman ang makapagsasabing mali siya. Ang totoo, binabantayan ng Dios ang tao at mga bansa,
30. para patigilin ang pamumuno ng mga hindi makadios, na siyang bitag na pipinsala sa mga tao.
31. “Job, bakit ayaw mong lumapit sa Dios at sabihin sa kanya, ‘Nagkasala po ako, pero hindi na ako magkakasala pa!’
32. o, ‘Sabihin nʼyo sa akin ang kasalanan ko. Kung nagkasala ako, hindi ko na ito muling gagawin.’