Job 34:1-19 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Sinabi pa ni Elihu,

2. “Kayong mga nagsasabing marurunong at maraming nalalaman, pakinggan ninyo akong mabuti.

3. Sapagkat kung papaanong alam ng dila ang masarap at hindi masarap na pagkain, alam din ng tainga kung ano ang tama at hindi tamang mga salita.

4. Kaya alamin natin kung ano ang tama, pag-aralan natin kung ano ang mabuti.

5. Sapagkat sinabi ni Job, ‘Wala akong kasalanan pero hindi ako binigyan ng Dios ng katarungan.

6. Kahit na matuwid ako, itinuring akong sinungaling. Kahit na wala akong nagawang kasalanan, binigyan niya ako ng karamdamang walang kagalingan.’

7. “Walang taong katulad ni Job na uhaw sa pangungutya.

8. Ang gusto niyang makasama ay masasama at makasalanang tao,

9. dahil sinabi niya, ‘Walang pakinabang ang tao kung magsisikap siyang bigyan kasiyahan ang Dios!’

10. “Kaya makinig kayo sa akin, kayong mga nagsasabing kayo ay nakakaunawa. Ang Makapangyarihang Dios ay hindi gumagawa ng masama.

11. Ginagantimpalaan niya ang tao ayon sa kanyang mga ginawa; pinakikitunguhan niya ito ayon sa nararapat sa kanyang ugali.

12. Nakatitiyak akong hindi maaaring gumawa ang Makapangyarihang Dios ng masama. Hindi niya maaaring baluktutin ang hustisya.

13. May nagtalaga ba sa kanya para pamunuan ang mundo? May nagbilin ba sa kanya ng mundo? Wala!

14. Kung loloobin ng Dios na kunin ang buhay na ibinigay niya sa tao,

15. lahat ng taoʼy mamamatay at babalik sa lupa.

16. “Job, kung may pang-unawa ka, pakinggan mo ang sasabihin ko:

17. Makakapamuno kaya ang Dios kung ayaw niya ng katarungan? Bakit mo hinahatulan ang matuwid at makapangyarihang Dios?

18. Hindi baʼt siya ang sumasaway sa mga hari at pinunong masama at walang kwenta?

19. Wala siyang itinatangi sa mga pinuno at wala rin siyang pinapanigan, mayaman man o mahirap, dahil silang lahat ay pare-pareho niyang nilikha.

Job 34