17. Ginagawa niya ito para pigilan sila sa paggawa ng kasalanan at pagmamataas,
18. at para mailigtas sila sa kamatayan.
19. Kung minsan naman, itinutuwid ng Dios ang tao sa pamamagitan ng sakit tulad ng walang tigil na pananakit ng buto,
20. at nawawalan siya ng ganang kainin kahit na ang pinakamasasarap na pagkain.
21. Kaya pumapayat siya, at nagiging butoʼt balat na lamang.
22. Malapit na siyang mamatay at mapunta sa lugar ng mga patay.
23. “Pero kung may kahit isa man sa isang libong anghel na mamamagitan sa kanya at sa Dios, at sasabihing siya ay matuwid,
24. kahahabagan siya ng Dios. At sasabihin ng Dios, ‘Iligtas nʼyo siya sa kamatayan. Nakatagpo ako ng pantubos sa kanya.’
25. Muli siyang magiging malusog. Lalakas siya tulad noong kanyang kabataan.
26. At kapag nanalangin siya sa Dios, sasagutin siya ng Dios at masayang tatanggapin, ibabalik ng Dios ang matuwid niyang pamumuhay.
27. Pagkatapos, sasabihin niya sa mga tao, ‘Nagkasala ako at gumawa ng hindi tama, pero hindi ko natanggap ang parusang nararapat sa akin.
28. Iniligtas niya ako sa kamatayan at patuloy akong nabubuhay.’
29. “Oo, lagi itong ginagawa ng Dios sa tao.
30. Inililigtas niya ang tao sa kamatayan para mabuhay ito.
31. “Job, pakinggan mo akong mabuti. Tumahimik kaʼt hayaan akong magsalita.
32. Kung may gusto kang sabihin, sabihin mo, dahil gusto kong malaman kung wala ka talagang kasalanan.
33. Pero kung wala ka namang sasabihin, tumahimik ka na lang at makinig sa karunungan ko.”