Job 32:8-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

8. Pero ang totoo, ang espiritu ng Dios na Makapangyarihan na nasa tao, ang siyang nagbibigay ng pang-unawa.

9. Ang katandaan ay hindi garantiya ng karunungan at kaalaman kung ano ang tama.

10. Kaya pakinggan ninyo ako. Sasabihin ko ang nalalaman ko.

11. Naghintay ako habang iniisip ninyo kung ano ang nararapat ninyong sabihin. Pinakinggan ko ang inyong mga katuwiran.

12. Pinakinggan kong mabuti ang mga sinabi ninyo, pero ni isa sa inyoʼy walang nakapagpatunay na nagkasala si Job; ni hindi ninyo nasagot ang mga pangangatwiran niya.

13. Huwag ninyong sasabihing, ‘Napag-alaman naming mas marunong siya. Hayaan ninyong ang Dios ang sumagot sa kanya at hindi ang tao!’

14. Kung sa akin siya nakipagtalo, hindi ko siya sasagutin na katulad ng mga sinabi ninyo.

15. Hindi na kayo makakibo ngayon at wala nang maisagot sa kanya.

16. At ngayong wala na kayong maisagot, kailangan ko pa bang maghintay?

17. Ako rin ay may sasabihin ayon sa nalalaman ko.

18. Dahil marami akong gustong sabihin, at hindi ko na talaga ito mapigilan.

19. Para akong bagong sisidlang-balat na punong-puno at malapit nang sumabog.

20. Kinakailangan kong magsalita para gumaan ang pakiramdam ko.

21. Wala akong kakampihan o pupurihin.

22. Hindi ako marunong mambola. Kung gagawin ko ito, parusahan nawa ako ng aking Manlilikha.”

Job 32