1. Kinalaunan, tumigil na sa pagsasalita ang tatlong kaibigan ni Job, dahil ipinipilit ni Job na wala siyang kasalanan.
2. May isang tao roon na ang pangalan ay Elihu. Anak siya ni Barakel, na taga-Buz. Mula siya sa angkan ni Ram. Nagalit siya kay Job dahil sinisisi nito ang Dios, sa halip na ang kanyang sarili.
3. Nagalit din siya sa tatlong kaibigan ni Job dahil hindi nila napatunayang nagkasala si Job at lumalabas pa na ang Dios ang may kasalanan.
4. At dahil mas matanda sila kaysa kay Elihu, naghintay muna si Elihu na matapos silang magsalita bago siya nagsalita kay Job.
5. Pero nang wala ng masabi ang tatlo, nagalit siya.
6. Kaya sinabi niya, “Bata pa ako at kayoʼy matatanda na, kaya nag-aatubili akong magsalita. Hindi ako nangahas na magsalita sa inyo tungkol sa nalalaman ko.
7. Ang akala ko ay kayo ang dapat magturo dahil matatanda na kayo at maraming nalalaman.
8. Pero ang totoo, ang espiritu ng Dios na Makapangyarihan na nasa tao, ang siyang nagbibigay ng pang-unawa.
9. Ang katandaan ay hindi garantiya ng karunungan at kaalaman kung ano ang tama.
10. Kaya pakinggan ninyo ako. Sasabihin ko ang nalalaman ko.
11. Naghintay ako habang iniisip ninyo kung ano ang nararapat ninyong sabihin. Pinakinggan ko ang inyong mga katuwiran.