22. maputol sana ang mga braso ko.
23. Hindi ko magagawa ang mga bagay na iyan dahil natatakot ako sa parusa at kapangyarihan ng Dios.
24. “Hindi ako nagtiwala sa aking kayamanan o nag-isip man na magbibigay ito sa akin ng katiyakan.
25. Hindi ko ipinagyabang ang kayamanan ko at lahat ng aking ari-arian.
26. Hindi ako sumamba sa araw na nagbibigay ng liwanag o sa buwan na kumikinang.
27. Ang puso koʼy hindi nahikayat na sumamba sa mga ito.
28. Kung nagkasala ako sa paggawa ng mga ito, dapat akong parusahan dahil nagtaksil ako sa Dios na nasa langit.
29. “Hindi ko ikinatuwa ang kapahamakan ng aking kaaway o ang pagsapit sa kanila ng kahirapan.
30. Hindi ako nagkasala sa pamamagitan ng pagsumpa sa kanila.
31. Alam ng aking mga kasambahay na pinapakain ko ang lahat kahit na ang mga dayuhan.
32. Hindi ko pinabayaang matulog kahit saan ang mga dayuhan, dahil palaging bukas ang pintuan ng aking tahanan para sa kanila.
33. Hindi ko itinatago ang aking kasalanan katulad ng ginagawa ng iba.
34. Hindi ako tumahimik o nagtago dahil takot ako sa anumang sasabihin ng mga tao.
35. “Kung mayroon lang sanang makikinig ng panig ko, nakahanda akong lumagda para patunayan na wala akong kasalanan. Kung may reklamo ang Dios na Makapangyarihan laban sa akin, ipapakiusap ko sa kanyang sabihin niya ito sa akin o kayaʼy isulat na lang.
36. At ikakabit ko ito sa aking balikat o sa ulo ko na parang korona para ipakita sa lahat na nakahanda akong humarap sa mga usapin.
37. Sasabihin ko sa Dios ang lahat ng aking ginawa. Haharap ako sa kanya katulad ng pinuno na hindi nahihiya.