Job 31:13-26 Ang Salita ng Dios (ASND)

13. “Kung hindi ko pinahalagahan ang karapatan ng aking alipin nang dumaing sila sa akin,

14. anong gagawin ko kung hatulan ako ng Dios? Anong isasagot ko kung tanungin niya ako?

15. Hindi baʼt ang Dios na lumikha sa akin ang siya ring Dios na lumikha sa aking mga alipin?

16. “Kung hindi ako tumulong sa mga dukha at sa mga biyuda na nahihirapan,

17. at kung naging madamot ako sa mga ulila, parusahan nawa ako ng Dios.

18. Pero mula pa noong kabataan ko, tumutulong na ako sa mga ulila, at sa buong buhay ko hindi ko pinabayaan ang mga biyuda.

19. Kapag nakakita ako ng taong nahihirapan sa lamig dahil kapos siya sa damit,

20. binibigyan ko siya ng damit pangginaw na yari sa balahibo ng aking mga tupa. At buong puso siyang nagpapasalamat sa akin.

21. Kung pinagbuhatan ko ng kamay ang mga ulila, dahil alam kong malakas ako sa hukuman,

22. maputol sana ang mga braso ko.

23. Hindi ko magagawa ang mga bagay na iyan dahil natatakot ako sa parusa at kapangyarihan ng Dios.

24. “Hindi ako nagtiwala sa aking kayamanan o nag-isip man na magbibigay ito sa akin ng katiyakan.

25. Hindi ko ipinagyabang ang kayamanan ko at lahat ng aking ari-arian.

26. Hindi ako sumamba sa araw na nagbibigay ng liwanag o sa buwan na kumikinang.

Job 31