Job 30:14-26 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Sinasalakay nila ako na parang mga sundalong dumadaan sa malalaking butas ng gibang pader.

15. Takot na takot ako, at biglang nawala ang karangalan ko na parang hinipan ng malakas na hangin, at ang kasaganaan koʼy naglahong gaya ng ulap.

16. At ngayon ay parang mamamatay na ako; walang tigil ang aking paghihirap.

17. Sa gabi ay kumikirot ang mga buto ko at hindi nawawala ang sakit nito.

18. Sa pamamagitan ng pambihirang lakas ng Dios, sinunggaban niya ako, hinawakan sa kwelyo,

19. at inihagis sa putik. Naging parang alikabok at abo na lang ako.

20. “O Dios, humingi ako ng tulong sa inyo pero hindi kayo sumagot. Tumayo pa ako sa presensya nʼyo pero tiningnan nʼyo lang ako.

21. Naging malupit kayo sa akin. Pinahirapan nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.

22. Parang ipinatangay nʼyo ako sa hangin at ipinasalanta sa bagyo.

23. Alam kong dadalhin nʼyo ako sa lugar ng mga patay, ang lugar na itinakda para sa lahat ng tao.

24. “Tiyak na wala akong sinaktang taong naghihirap at humihingi ng tulong dahil sa kahirapan.

25. Iniyakan ko pa nga ang mga taong nahihirapan, at ang mga dukha.

26. Ngunit nang ako naman ang umasang gawan ng mabuti, masama ang ginawa sa akin. Umasa ako ng liwanag pero dilim ang dumating sa akin.

Job 30