Job 30:1-15 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. “Pero ngayon, kinukutya na ako ng mga mas bata sa akin, na ang mga ama ay hindi mapagkakatiwalaan. Mas mapagkakatiwalaan pa nga ang mga aso kong tagapagbantay ng aking kawan kaysa sa kanila.

2. Ano bang makukuha ko sa mga taong ito na mahihina at talagang wala ng lakas?

3. Payat na payat sila dahil sa labis na kahirapan at gutom. Kahit gabi ay nagkakaykay sila ng mga lamang-lupa sa ilang para may makain.

4. Binubunot nila at kinakain ang mga tanim sa ilang pati na ang ugat ng punong enebro.

5. Tinataboy sila palayo sa kanilang mga kababayan at sinisigawan na parang mga magnanakaw.

6. Tumitira sila sa mga lambak, sa malalaking bitak ng bato at mga lungga sa lupa.

7. Para silang mga hayop na umaalulong sa kagubatan at nagsisiksikan sa ilalim ng maliliit na punongkahoy.

8. Wala silang halaga, walang nakakakilala at pinalayas pa sa kanilang lupain.

9. “At ngayon, paawit pa kung kutyain ako ng kanilang mga anak at naging katatawanan pa ako sa kanila.

10. Namumuhi sila at umiiwas sa akin. Hindi sila nangingiming duraan ako sa mukha.

11. Ngayong pinanghina ako at pinahirapan ng Dios, ginawa nila ang gusto nilang gawin sa akin.

12. Nilusob ako ng masasamang ito at nilagyan ng bitag ang aking dadaanan. Talagang pinagsisikapan nila akong ipahamak.

13. Sinisira nila ang dadaanan ko para ipahamak ako. At nagtatagumpay sila kahit walang tumutulong sa kanila.

14. Sinasalakay nila ako na parang mga sundalong dumadaan sa malalaking butas ng gibang pader.

15. Takot na takot ako, at biglang nawala ang karangalan ko na parang hinipan ng malakas na hangin, at ang kasaganaan koʼy naglahong gaya ng ulap.

Job 30