Job 3:6-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Kinuha na lang sana ng kadiliman ang gabing iyon nang akoʼy isilang, at hindi na sana napabilang sa kalendaryo.

7. Hindi na nga lang sana ako ipinanganak ng gabing iyon, at wala rin sanang kasayahan noon.

8. Sumpain nawa ang gabing iyon ng mga manunumpa na alam kung paano pakilusin ang Leviatan.

9. Hindi na sana sumikat ang tala sa umaga ng araw na iyon, at hindi na sana dumating ang bukang-liwayway.

10. Isinusumpa ko ang araw na iyon dahil hindi niya pinigilan ang pagsilang sa akin, nang hindi ko na sana naranasan ang ganitong paghihirap.

11. “Mabuti pang namatay na lang ako sa sinapupunan ng aking ina.

12. Bakit pa ako kinalingaʼt pinasuso ng aking ina?

13. Kung namatay na sana ako noon, tahimik na sana ako ngayong natutulog at nagpapahinga

14. kasama ng mga hari at mga pinuno ng mundo na nagtayo ng mga palasyo na giba na ngayon.

15. Nagpapahinga na rin sana ako kasama ng mga pinuno na ang mga tahanan ay puno ng mga gintoʼt pilak.

16. Mas mabuti pang akoʼy naging katulad ng mga batang patay na nang ipinanganak at hindi na nakakita ng liwanag.

17. Doon sa lugar ng mga patay, ang masama ay hindi na gumagawa ng kasamaan at ang mga pagod ay nagpapahinga na.

18. Doon, ang mga bihag ay nagpapahinga rin at hindi na nila naririnig ang sigaw ng taong pumipilit sa kanila na magtrabaho.

Job 3