Job 29:1-15 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Nagpatuloy sa pagsasalita si Job,

2. “Kung maibabalik ko lang sana ang mga nagdaang araw noong kinakalinga pa ako ng Dios,

3. noong tinatanglawan pa niya ang aking daan habang lumalakad ako sa dilim.

4. Noong akoʼy nasa mabuti pang kalagayan, ang Dios ay matalik kong kaibigan, at pinagpapala niya ang sambahayan ko.

5. Pinapatnubayan pa ako noon ng Dios na Makapangyarihan, at magkakasama pa kami ng mga anak ko.

6. Ang mga baka ko nooʼy nagbibigay sa akin ng maraming gatas at mula sa mga tanim kong olibo ay umaani ako ng napakaraming langis.

7. Kapag pumupunta ako sa pintuang bayan at sumasama sa mga pinuno ng lungsod sa tuwing may pagpupulong sila,

8. tumatabi ang mga kabataang lalaki kapag nakita nila ako, at ang matatandaʼy tumatayo para magbigay galang sa akin.

9. Tumatahimik kahit ang mga pinuno

10. at ang mararangal na tao kapag nakikita nila ako.

11. Pinupuri ako ng mga taong nanonood o nakikinig sa aking pagsasalita.

12. Sapagkat tinutulungan ko ang mga dukhang humihingi ng tulong at mga ulilang walang malapitan.

13. Binabasbasan ako ng mga taong nag-aagaw buhay na aking tinulungan, at umaawit sa galak ang mga biyuda na aking natulungan din.

14. Palagi kong ginagawa ang tama at matuwid; para itong damit at turban na aking isinusuot.

15. Naging parang mata ako sa taong bulag at paa sa pilay.

Job 29