Job 24:11-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

11. Pumipiga sila ng mga olibo at ubas, pero sila mismo ay nauuhaw.

12. Naririnig sa lungsod ang daing ng mga nag-aagaw buhay at mga sugatang humihingi ng tulong, pero hindi ginagantihan ng Dios ang mga gumawa nito sa kanila.

13. “May mga taong kumakalaban sa liwanag. Hindi sila lumalakad sa liwanag at hindi nila ito nauunawaan.

14. Ang mga mamamatay-tao ay bumabangon ng maaga at pinapatay ang mga dukha, at sa gabi namaʼy nagnanakaw.

15. Ang mangangalunyaʼy naghihintay na dumilim para walang makakita sa kanya. Tinatakpan niya ang kanyang mukha para walang makakilala sa kanya.

16. Sa gabi, pinapasok ng mga magnanakaw ang mga bahay. Sa araw, nagtatago sila dahil umiiwas sila sa liwanag.

17. Itinuturing nilang liwanag ang dilim, dahil gusto nila ang nakakatakot na kadiliman.”

18. “Pero ang masasama ay hindi magtatagal, gaya ng bula sa tubig. Kahit na ang lupa na kanilang pag-aari ay isinumpa ng Dios. Kaya walang pumaparoon kahit sa kanilang ubasan.

19. Kung paanong ang yelo ay natutunaw at nawawala dahil sa init, ang makasalanan ay mawawala rin sa daigdig.

20. Lilimutin na sila at hindi na maaalala kahit ng kanilang ina. Lilipulin sila na parang punongkahoy na pinutol at kakainin sila ng mga uod.

21. Sapagkat hindi maganda ang pakikitungo nila sa mga babaeng baog at hindi sila nahahabag sa mga biyuda.

22. “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, ibabagsak niya ang mga taong makapangyarihan. Kahit na malakas sila, walang katiyakan ang buhay nila.

23. Maaaring hayaan sila ng Dios na mamuhay na walang panganib, pero binabantayan niya ang lahat ng kilos nila.

Job 24