Job 24:1-13 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. “Bakit hindi pa itakda ng Dios na Makapangyarihan ang kanyang paghatol sa masasamang tao? Bakit hindi makita ng mga nakakakilala sa kanya ang panahong iyon ng paghatol?

2. Nangangamkam ng lupain ang masasamang tao sa pamamagitan ng paglilipat ng muhon. Nagnanakaw sila ng mga hayop at isinasama sa sarili nilang mga hayop.

3. Ninanakaw nila ang mga asno ng mga ulila, at kinukuha nila ang baka ng biyuda bilang sangla sa utang.

4. Inaapi nila ang mga dukha kaya napipilitang magtago ang mga ito.

5. Naghahanap sila ng kanilang pagkain sa ilang na parang mga asnong-gubat, dahil wala silang ibang lugar na mapagkukunan ng pagkain para sa kanilang mga anak.

6. Namumulot sila ng mga tirang bunga sa mga bukid, pati na sa ubasan ng taong masama.

7. Sa gabiʼy natutulog silang giniginaw dahil wala silang damit o kumot man lamang.

8. Nababasa sila ng ulan sa mga kabundukan, at sumisiksik na lang sa mga siwang ng bato dahil walang masilungan.

9. “Kinukuha ng taong masasama ang anak ng biyuda at babaeng dukha bilang garantiya sa pagkakautang nila.

10. Lumalakad na walang damit ang mga dukha; tagapasan sila ng mga inaning trigo, pero silaʼy nagugutom.

11. Pumipiga sila ng mga olibo at ubas, pero sila mismo ay nauuhaw.

12. Naririnig sa lungsod ang daing ng mga nag-aagaw buhay at mga sugatang humihingi ng tulong, pero hindi ginagantihan ng Dios ang mga gumawa nito sa kanila.

13. “May mga taong kumakalaban sa liwanag. Hindi sila lumalakad sa liwanag at hindi nila ito nauunawaan.

Job 24