Job 22:17-29 Ang Salita ng Dios (ASND)

17. Sinabi nila sa Makapangyarihang Dios, ‘Hayaan mo na lamang kami! Ano bang magagawa mo para sa amin?’

18. Pero ang Dios ang pumuno ng mabubuting bagay sa bahay nila. Kaya anuman ang ipapayo nitong mga taong masama ay hindi ko tatanggapin.

19. “Kapag nakita ng mga taong matuwid at walang kasalanan ang kapahamakan ng mga taong masama, matutuwa sila at magdiriwang.

20. Sasabihin nila, ‘Napahamak na ang mga kaaway natin, at natupok sa apoy ang kayamanan nila.’

21. “Job, magpasakop ka sa Dios at makipagkasundo ka sa kanya upang pagpalain ka niya.

22. Tanggapin mo ang kanyang mga itinuturo at ingatan mo sa iyong puso ang kanyang mga salita.

23. Kung manunumbalik ka sa Dios na Makapangyarihan, at aalisin ang kasamaan sa sambahayan mo, pagpapalain ka niyang muli.

24. Huwag mong pahalagahan ang iyong kayamanan; ituring mo ito na parang buhangin o batong nasa ilog.

25. At ang Dios na Makapangyarihan ang ituring mong ginto at mamahaling pilak.

26. At saka mo matatagpuan ang kaligayahang nagmumula sa Makapangyarihang Dios, at hindi ka mahihiyang lumapit sa kanya.

27. Manalangin ka sa kanya at didinggin ka niya. Tuparin mo ang iyong mga pangako sa kanya.

28. Anuman ang binabalak mong gawin ay mangyayari at magiging maliwanag ang iyong daan.

29. Kung may taong nanghihina, at kung idadalangin mo sa Dios na palakasin siya, tutulungan niya ang taong iyon.

Job 22