13. “Inilayo niya sa akin ang aking mga kamag-anak; at nilayuan na ako ng aking mga kakilala.
14. Wala na ang lahat ng taong malapit sa akin. Pati mga kaibigan koʼy nilimot na ako.
15. Hindi na ako kilala ng aking mga bisita at mga babaeng alipin. Itinuring na nila akong dayuhan.
16. Kapag tinatawag ko ang aking alipin, hindi na niya ako pinapansin, makiusap man ako.
17. Ang asawa koʼy nababahuan sa hininga ko at ang mga kapatid kong lalaki ay nandidiri sa akin.
18. Hinahamak ako kahit ng mga batang paslit. Kapag nakikita nila ako, pinagtatawanan nila ako.
19. Lahat ng matalik kong kaibigan ay nasusuklam sa akin. Pati mga mahal ko sa buhay ay lumayo na rin.
20. Butoʼt balat na lang ako at halos mamamatay na.
21. “Maawa kayo sa akin, mga kaibigan ko, dahil pinahihirapan ako ng Dios.
22. Bakit ninyo ako inuusig tulad ng ginagawa ng Dios sa akin? Hindi pa ba sapat ang pagpapahirap ninyo sa akin?
23. Mabuti sana kung isinulat sa aklat ang mga sinabi ko,
24. o di kayaʼy iniukit ito sa bato para hindi mabura magpakailanman.
25. “Pero alam kong buhay ang aking Tagapagligtas at sa bandang huli ay darating siya rito sa lupa para ipagtanggol ako.