Job 19:1-13 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Muling sumagot si Job,

2. “Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan, at sasaktan sa mga sinasabi ninyo?

3. Paulit-ulit ninyo akong iniinsulto. Hindi na kayo nahiya sa mga ginagawa ninyo sa akin?

4. Kung talagang nagkasala ako, problema ko na iyon.

5. Ang akala ninyoʼy matuwid kayo kaysa sa akin, at iniisip ninyong ang mga paghihirap koʼy nagpapatunay na nagkasala ako.

6. Pero ang Dios ang may gawa nito sa akin. Siya ang naglagay ng bitag sa palibot ko.

7. “Tumawag ako at humingi ng tulong pero walang sumagot sa akin. Humingi ako ng katarungan pero walang nagbigay sa akin.

8. Hinarangan ng Dios ang dinadaanan ko para hindi ako makadaan. Tinakpan din niya ito ng kadiliman.

9. Kinuha niya ang kayamanan ko pati na ang aking karangalan.

10. Pinahirapan niya ako saanman ako bumaling na halos ikamatay ko na. Inalis niya ang pag-asa ko na parang punongkahoy na binunot.

11. Labis ang galit niya sa akin at itinuring niya akong kaaway.

12. Parang pinadalhan niya ako ng mga sundalo upang salakayin at palibutan ang aking tolda.

13. “Inilayo niya sa akin ang aking mga kamag-anak; at nilayuan na ako ng aking mga kakilala.

Job 19