Job 17:1-9 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. “Malapit na akong mamatay; parang malalagot na ang hininga ko. Nakahanda na ang libingan para sa akin.

2. Napapaligiran ako ng mga mangungutya. Kitang-kita ko kung paano nila ako kutyain.

3. O Dios, tulungan nʼyo po ako na makalaya. Tanging kayo lang ang makakatulong sa akin.

4. Isinara nʼyo ang isipan ng aking mga kaibigan para hindi sila makaunawa. Kaya huwag ninyong payagan na magtagumpay sila sa kanilang mga paratang sa akin.

5. Katulad sila ng taong nandadaya sa kanyang mga kaibigan para magkapera, at ito ang magiging dahilan ng paghihirap ng kanyang mga anak.

6. “Ginawa akong katawa-tawa ng Dios sa mga tao at dinuraan pa nila ang mukha ko.

7. Nagdilim na ang paningin ko dahil sa matinding kalungkutan; halos butoʼt balat na ako, at halos kasingnipis na ng anino.

8. Ang mga taong nag-iisip na sila ay matuwid ay nagtataka sa nangyaring ito sa akin. Akala nilaʼy masama ako at hindi makadios.

9. Para sa kanila ang matuwid ay matatag ang pamumuhay at lalo pang nagiging matatag.

Job 17