8. Pinapayat nʼyo ako; butoʼt balat na lang ako, at ayon sa iba ito ang katunayan na akoʼy nagkasala.
9. Sa galit nʼyo, O Dios, sinalakay nʼyo ako. Para kayong mabangis na hayop na lumuray ng aking laman. Nagngangalit ang inyong ngipin at tinititigan nʼyo ako na parang akoʼy inyong kaaway.
10. “Kinukutya ako at pinagtatawanan ng mga tao. Sinasampal para hiyain. Nagkaisa sila laban sa akin.
11. Ipinaubaya ako ng Dios sa kamay ng taong masasama at makasalanan.
12. Maganda ang kalagayan ko noon, pero sinira niya ako. Hinawakan niya ako sa leeg, inilugmok, at ginawa niya akong puntiryahan.
13. Pinalibutan ako ng mga tagapana niya at walang awang pinagpapana. Tinamaan ang aking bato, at ang apdo koʼy bumulwak sa lupa.
14. Paulit-ulit niya akong sinusugatan. Sinasalakay niya akong parang mandirigma.
15. Nagdamit ako ng sako at naupo sa lupa para magluksa.
16. Namumula na ang mukha ko at namumugto na ang mga mata sa kakaiyak.
17. Wala akong nagawang kasalanan at tapat ang aking panalangin.
18. “Ang katulad koʼy isang taong pinatay na nakikiusap sa lupa na huwag tatabunan ang kanyang dugo hanggaʼt hindi niya nakakamtan ang katarungan.
19. Kahit ngayon ang saksi koʼy nasa langit. Siya ang magpapatunay na wala akong kasalanan.