Job 14:10-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Pero kapag ang taoʼy namatay, mawawala na ang lakas niya. Pagkalagot ng hininga niya, iyon na ang wakas niya.

11. Kung papaanong bumababa ang tubig sa dagat at natutuyo ang mga ilog,

12. gayon din naman, ang taoʼy namamatay at hindi na makakabangon pa o magigising sa kanyang pagkakatulog hanggang sa maglaho ang langit.

13. “Panginoon, itago nʼyo na lamang po sana ako sa lugar ng mga patay hanggang sa mawala ang galit nʼyo sa akin, at saka nʼyo ako alalahanin sa inyong itinakdang panahon.

14. Kung mamatay ang tao, mabubuhay pa kaya ito? Kung ganoon, titiisin ko ang lahat ng paghihirap na ito hanggang sa dumating ang oras na matapos ito.

15. At sa oras na tawagin nʼyo ako, Panginoon, sasagot ako, at kasasabikan nʼyo ako na inyong nilikha.

16. Sa mga araw na iyon, babantayan nʼyo pa rin ang aking mga ginagawa, pero hindi nʼyo na aalalahanin pa ang aking mga kasalanan.

17. Parang ipinasok nʼyo ito sa bag at tinakpan para hindi nʼyo na makita.

18. “Pero kung papaanong gumuguho ang mga bundok at nahuhulog ang mga bato mula sa kanilang kinalalagyan,

19. at kung paanong nagiging manipis ang bato sa patuloy na pag-agos ng tubig, at gumuguho ang lupa dahil sa malakas na ulan, ganyan nʼyo rin sinisira ang pag-asa ng tao.

20. Nilulupig nʼyo siyang lagi at namamatay siya, at binabago nʼyo ang mukha niya kapag patay na siya.

21. Hindi na niya malalaman kung ang mga anak niyaʼy nagtamo ng karangalan o kahihiyan.

22. Ang tanging madarama na lang niya ay ang sarili niyang paghihirap at kalungkutan.”

Job 14