Job 12:14-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Walang makapag-aayos ng kanyang sinisira, at walang makapagpapalaya sa kanyang ikinukulong.

15. Kung pipigilin niya ang ulan, matutuyo ang lupa, at kung ibubuhos naman niya ito, babahain ang lupa.

16. Makapangyarihan siyaʼt matagumpay, at nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan ang mandaraya at ang dinadaya.

17. Inaalisan niya ng karunungan ang mga tagapayo, at ginagawang mangmang ang mga hukom.

18. Pinaaalis niya ang mga hari sa kanilang trono at ipinabibihag.

19. Tinatanggal niya sa tungkulin ang mga pari at ang mga taong may kapangyarihan.

20. Pinatatahimik niya ang mga pinagkakatiwalaang tagapayo at inaalis ang karunungan ng matatanda.

21. Hinahamak niya ang mga mararangal na tao at inaalisan ng kakayahan ang mga may kapangyarihan.

22. Ang mga lihim ay kanyang inihahayag, at ang madilim ay pinapalitan ng liwanag.

Job 12