Job 10:8-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

8. “ ‘Kayo ang gumawa at humubog sa akin, at ngayon kayo rin ang sisira sa akin.

9. Alalahanin ninyong akoʼy hinubog nʼyo mula sa lupa at ngayon baʼy ibabalik nʼyo na ako sa lupa?

10. Hindi baʼt kayo ang humubog sa akin mula sa sinapupunan ng aking ina na parang keso na hinubog mula sa gatas?

11. Binuo nʼyo ang aking mga buto at litid, at saka binalutan ng laman at balat.

12. Pagkatapos, binigyan nʼyo ako ng buhay, pinakitaan ng kabutihan at iningatan.

13. Pero nalaman ko na ang tunay ninyong plano sa akin

14. ay ang bantayan ako kung magkakasala ako at kapag nangyari iyon, hindi nʼyo ako patatawarin.

15. Nagkasala man ako o hindi, pareho lang naman na nakakaawa ako, dahil sa labis na kahihiyan at paghihirap na dinaranas ko.

16. Pinagsisikapan kong bumangon, pero para kayong leon na nakaabang sa akin. Ginagamit nʼyo ang inyong kapangyarihan laban sa akin.

17. Patuloy nʼyo akong isinasakdal at lalo kayong nagagalit sa akin. Walang tigil nʼyo akong nilulusob.

18. “ ‘Bakit niloob nʼyo pa na isilang ako? Sanaʼy namatay na lang ako at wala nang nakakita sa akin.

19. Hindi na lang sana ako nilikha. Namatay na lang sana ako bago isinilang at itinuloy sa libingan.

20. Maikling panahon na lang ang natitira sa akin, kaya hayaan nʼyo na lang ako para kahit saglit man lang ay sumaya naman ako,

21. bago ako pumunta sa lugar na malungkot at madilim, at hindi na ako makakabalik pa rito.

Job 10