Job 1:1-12 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. May isang lalaking nakatira sa lupain ng Uz na ang pangalan ay Job. Matuwid siya, walang kapintasan ang pamumuhay, may takot sa Dios at umiiwas sa kasamaan.

2. Mayroon siyang pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae.

3. Ang mga pag-aari naman niya ay 7,000 tupa, 3,000 kamelyo, 500 pares ng baka at 500 ang kanyang asnong babae. Marami ang kanyang alipin. Siya ang pinakamayaman sa buong silangan ng Israel.

4. Nakaugalian na ng mga anak niyang lalaki na halinhinang maghanda sa kani-kanilang mga bahay at inaanyayahan nilang dumalo ang tatlo nilang kapatid na babae.

5. Tuwing matatapos ang handaan, naghahandog si Job para sa kanyang mga anak. Maaga siyang gumigising at nag-aalay ng handog na sinusunog para sa bawat anak niya, dahil naisip niyang baka nagkasala ang mga ito at sinadyang magsalita ng masama laban sa Dios. Ito ang palaging ginagawa ni Job.

6. Isang araw, nagtipon ang mga anghel sa presensya ng Panginoon, at sumali sa kanila si Satanas.

7. Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Saan ka nanggaling?” Sumagot si Satanas, “Parooʼt parito na naglilibot sa mundo.”

8. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Napansin mo ba ang lingkod kong si Job? Wala siyang katulad sa buong mundo. Matuwid siya at malinis ang pamumuhay. May takot siya sa akin at umiiwas sa kasamaan.”

9. Sumagot si Satanas, “May takot si Job sa iyo dahil pinagpapala mo siya.

10. Iniingatan mo siya at ang sambahayan niya, pati na ang lahat ng ari-arian niya. Pinagpapala mo ang lahat ng ginagawa niya. Kaya lalong dumarami ang kanyang mga hayop sa buong lupain.

11. Pero subukan mong kunin ang lahat ng iyan sa kanya at siguradong isusumpa ka niya.”

12. Sinabi ng Panginoon kay Satanas, “Sige, kunin mo ang lahat ng mayroon siya, pero huwag mo siyang sasaktan.” Kaya umalis agad si Satanas sa harapan ng Panginoon.

Job 1