Jeremias 9:9-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

9. Hindi baʼt nararapat ko silang parusahan? Hindi ba dapat na paghigantihan ko ang bansang katulad nito? Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

10. Sinabi ni Jeremias: Iiyak ako ng malakas para sa mga kabundukan at mananaghoy ako para sa mga pastulan. Dahil malungkot na ito at wala nang dumadaan. Hindi na marinig ang unga ng mga baka, at nag-alisan na ang mga ibon at mga hayop.

11. Dahil sinabi ng Panginoon, “Wawasakin ko ang Jerusalem, at magiging tirahan ito ng mga asong-gubat. Gagawin kong parang ilang ang mga bayan ng Juda at wala nang titira rito.”

12. Nagtanong ako sa Panginoon, “Sino pong marunong na tao ang makakaunawa sa mga pangyayaring ito? Kanino nʼyo po ipinaliwanag ang tungkol dito para maipaliwanag ito sa mga tao? Bakit po nawasak ang lupaing ito at naging parang ilang na hindi na dinadaanan?”

13. Sumagot ang Panginoon, “Nangyari ito dahil hindi nila sinunod ang mga utos na ibinigay ko sa kanila. Hindi sila sumunod sa akin o sa mga utos ko.

14. Sa halip, sinunod nila ang kapasyahan ng matigas nilang mga puso. Sumamba sila kay Baal, gaya ng itinuro sa kanila ng mga ninuno nila.

15. Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsabing pakakainin ko ang mga taong ito ng mapait na pagkain at paiinumin ng tubig na may lason.

16. Ipapangalat ko sila sa mga bansang hindi nila kilala maging ng mga ninuno nila. Magpapadala ako ng hukbong sasalakay sa kanila para lubusan silang malipol.”

17. Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Isipin nʼyo kung ano ang mga nangyayari! Tawagin nʼyo ang mga babaeng tagaiyak, lalo na ang mga sanay sa pag-iyak.

18. Pagmadaliin silang pumunta para iyakan ang mga mamamayan ko hanggang sa dumaloy ang kanilang luha.

19. Pakinggan ang mga pag-iyak sa Jerusalem. Sinasabi ng mga tao, ‘Nawasak tayo! Nakakahiya ang nangyaring ito sa atin! Kailangang iwan na natin ang ating lupain dahil nawasak na ang ating mga tahanan!’ ”

20. Ngayon, kayong mga babae, pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon. Pakinggan ninyo itong mabuti. Turuan ninyo ang inyong mga anak na babae at ang inyong kapwa na umiyak at managhoy.

21. Dumating ang kamatayan sa ating mga sambahayan at sa matitibay na bahagi ng ating lungsod. Pinatay ang mga bata na naglalaro sa mga lansangan at ang mga kabataang lalaki na nagkakatipon sa mga plasa.

Jeremias 9