Jeremias 9:3-13 Ang Salita ng Dios (ASND)

3. Sinabi ng Panginoon, “Lagi silang handang magsinungaling na parang pana na handa nang itudla. Kasinungalingan ang namamayani sa lupaing ito at hindi ang katotohanan. Malala na ang paggawa nila ng kasalanan at hindi nila ako kinikilala.

4. “Mag-ingat kayo sa kapwa nʼyo at huwag kayong magtiwala sa mga kamag-anak nʼyo, dahil ang bawat isa ay mandaraya at naninira ng kapwa.

5. Dinadaya ng bawat isa ang kapwa niya at wala ni isa ang nagsasalita ng katotohanan. Sanay na sa pagsisinungaling ang mga dila nila at pinapagod nila ang sarili nila sa paggawa ng kasalanan.

6. Puro na lang pandaraya ang ginagawa nila, at dahil sa pandaraya ay ayaw na nila akong kilalanin.

7. Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabing dadalisayin ko sila na parang metal at susubukin ko sila. Ano pa ang maaari kong gawin sa kanila?

8. Ang kanilang mga dila ay parang panang nakakamatay. Puro na lang pandaraya ang kanilang sinasabi. Nakikipag-usap sila nang mabuti sa kapwa nila pero sa puso nilaʼy masama ang binabalak nila.

9. Hindi baʼt nararapat ko silang parusahan? Hindi ba dapat na paghigantihan ko ang bansang katulad nito? Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

10. Sinabi ni Jeremias: Iiyak ako ng malakas para sa mga kabundukan at mananaghoy ako para sa mga pastulan. Dahil malungkot na ito at wala nang dumadaan. Hindi na marinig ang unga ng mga baka, at nag-alisan na ang mga ibon at mga hayop.

11. Dahil sinabi ng Panginoon, “Wawasakin ko ang Jerusalem, at magiging tirahan ito ng mga asong-gubat. Gagawin kong parang ilang ang mga bayan ng Juda at wala nang titira rito.”

12. Nagtanong ako sa Panginoon, “Sino pong marunong na tao ang makakaunawa sa mga pangyayaring ito? Kanino nʼyo po ipinaliwanag ang tungkol dito para maipaliwanag ito sa mga tao? Bakit po nawasak ang lupaing ito at naging parang ilang na hindi na dinadaanan?”

13. Sumagot ang Panginoon, “Nangyari ito dahil hindi nila sinunod ang mga utos na ibinigay ko sa kanila. Hindi sila sumunod sa akin o sa mga utos ko.

Jeremias 9