Jeremias 9:19-26 Ang Salita ng Dios (ASND)

19. Pakinggan ang mga pag-iyak sa Jerusalem. Sinasabi ng mga tao, ‘Nawasak tayo! Nakakahiya ang nangyaring ito sa atin! Kailangang iwan na natin ang ating lupain dahil nawasak na ang ating mga tahanan!’ ”

20. Ngayon, kayong mga babae, pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon. Pakinggan ninyo itong mabuti. Turuan ninyo ang inyong mga anak na babae at ang inyong kapwa na umiyak at managhoy.

21. Dumating ang kamatayan sa ating mga sambahayan at sa matitibay na bahagi ng ating lungsod. Pinatay ang mga bata na naglalaro sa mga lansangan at ang mga kabataang lalaki na nagkakatipon sa mga plasa.

22. At sinabi ng Panginoon, “Kakalat ang mga bangkay na parang mga dumi sa kabukiran, at parang mga butil na naiwan ng mga nag-aani, at wala nang kukuha sa mga ito.

23. Hindi dapat ipagmalaki ng marunong ang karunungan niya, o ng malakas ang kalakasan niya, o ng mayaman ang kayamanan niya.

24. Kung gusto ng sinuman na magmalaki, dapat lang niyang ipagmalaki na kilala niya ako at nauunawaan niyang ako ang Panginoong mapagmahal na gumagawa ng tama at matuwid dito sa mundo, dahil iyon ang kinalulugdan ko. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

25. “Darating ang araw na parurusahan ko ang lahat ng tinuli, na ang kanilang pamumuhay ay hindi nabago –

26. ang mga taga-Egipto, Juda, Edom, Ammon, Moab, at ang lahat ng nakatira sa malalayong ilang. Ang totoo, lahat ng bansang ito pati na ang mga mamamayan ng Israel ay parang hindi rin mga tinuli.”

Jeremias 9