Jeremias 8:8-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

8. Paano ninyo nasasabing marunong kayo, dahil ba alam ninyo ang mga kautusan ng Panginoon? Ang totoo, binago iyon ng inyong mga guro.

9. Mapapahiya ang mga nagsasabing sila ay marurunong. Matatakot sila dahil bibihagin sila. Itinakwil nila ang mga salita ko – gagawin ba nila ito kung talagang marunong sila?

10. Kaya ibibigay ko sa iba ang mga asawa at mga bukirin nila. Sapagkat maging mga dakila man o mga dukha ay pare-parehong naging sakim sa pera, pati na ang mga propeta at mga pari.

11. Hindi nila siniseryoso ang paggamot sa sugat ng mga mamamayan ko, kahit malubha na ito. Sinasabi nilang mabuti ang lahat kahit na hindi ito mabuti.

12. Ikinakahiya ba nila ang mga ugali nilang kasuklam-suklam? Hindi! Sapagkat wala na silang kahihiyan! Ni hindi nga namumula ang kanilang mukha sa kahihiyan. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing mapapahamak sila katulad ng iba. Ibabagsak sila pagdating ng araw na parurusahan sila.

13. Lubos ko silang lilipulin at sisirain ko ang mga bunga ng kanilang mga ubas at igos; pati ang mga dahon nitoʼy malalanta. Ang mga ibinigay ko sa kanila ay mawawala.

14. “Pagkatapos, sasabihin nila, ‘Ano pa ang hinihintay natin? Halikayo, tumakas na tayo papunta sa mga napapaderang lungsod at doon na tayo mamatay. Sapagkat hinatulan na tayong mamatay ng Panginoon na ating Dios. Parang binigyan niya tayo ng tubig na may lason para inumin, dahil nagkasala tayo sa kanya.

15. Naghintay tayo ng kapayapaan, pero walang dumating na kapayapaan. Naghintay tayo ng kabutihan, pero takot ang dumating.

16. Ang singhal ng kabayo ng mga kaaway ay naririnig mula sa Dan. Sa mga halinghing pa lang ng mga kabayo nila, nanginginig na ang buong lupain. Dumating sila para wasakin ang lupaing ito at ang lahat ng naririto; ang mga lungsod at ang lahat ng mamamayan nito.’ ”

17. Sinabi ng Panginoon, “Makinig kayo! Magpapadala ako ng mga kaaway na parang mga makamandag na ahas na hindi napapaamo ng kahit sino, at tutuklawin nila kayo.”

18. Pagkatapos, sinabi ni Jeremias: Hindi mapapawi ang kalungkutan ko. Nagdaramdam ang puso ko.

19. Pakinggan nʼyo ang iyakan ng mga kababayan ko na naririnig sa buong lupain. Sinabi nila, “Wala na ba ang Panginoon sa Jerusalem? Wala na ba roon ang Dios na Hari ng Jerusalem?” Sumagot ang Panginoon, “Bakit nʼyo ako ginalit sa pamamagitan ng pagsamba nʼyo sa mga dios-diosang walang kabuluhan?”

20. Sumagot ang mga tao, “Tapos na ang anihan, tapos na rin ang tag-araw, pero hindi pa kami naililigtas!”

21. Nagdaramdam ako dahil sa nararanasang hirap ng mga kababayan ko. Nagluluksa ako at natitigilan.

22. Wala na bang gamot sa Gilead? Wala na bang manggagamot doon? Bakit hindi gumagaling ang sugat ng mga kababayan ko?

Jeremias 8